MANILA, Philippines - Mistulang sinapian ng masamang espiritu ang isang 16-anyos na dalagita matapos nitong paslangin sa saksak ang kaniyang mga magulang habang sugatan naman ang kaniyang kapatid na batang babae sa kanilang bahay sa Tupi, South Cotabato kahapon ng madaling araw.
Idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang mag-asawang sina Ronilo Castromayor, 46 at misis nitong si Henarlie, 43; kapwa residente ng Sitio Maunlad, Brgy. Balolmala, Tupi ng lalawigang ito.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang anak nilang si Nita, 12 anyos.
Isinailalim naman sa kustodya ng pulisya ang menor de edad na suspect na itinago sa pangalang Rosalie.
Sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, naganap ang insidente sa loob ng tahanan ng mag-anak sa nasabing lugar bandang alas-2 ng madaling araw.
Sa pahayag sa pulisya, naalimpungatan ang mga kapitbahay sa malalakas na sigawan buhat sa bahay ng pamilya Castromayor bunga ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa at ng suspek.
Nabatid na napagalitan ng mag-asawa ang suspek dahilan masyadong matigas ang ulo nito na mahilig gumimik. Lumalabas sa imbestigasyon na binantayan ng suspect na makatulog ang kanyang mga magulang saka doon niya inundayan ng sunud-sunod na saksak ang mga ito.
Hindi umano pinansin ng mga kapitbahay ang palahaw ng nakababatang kapatid ng suspek sa pag-aakalang away pamilya lamang ito.
Kinabukasan ay nadiskubre ang krimen matapos na isang kapitbahay ng pamilya ang nagtungo sa bahay ng mga ito at dito’y nabungaran ang duguang mag-asawa na pawang tadtad ng mga saksak sa katawan gayundin ang nakababatang kapatid ng suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa kasong ito.