LUCENA CITY, Philippines — Isang wheelchaired ridden na lalaki at asawa nito ang pinatay matapos pagnakawan ng kanilang kasambahay na may isang linggo pa lamang nagtatrabaho sa kaniyang mga amo sa lungsod na ito, kamakalawa ng gabi.
Malapit na sa ‘state of decomposition’ ng matagpuan ang bangkay ng mag-asawang sina Roberto Ong, 54, at Nenita Bolanos Ong, 56; pawang nakatira sa isang bahay sa panulukan ng Merchan at Guinto St. ng lungsod. Tugis na ngayon ng pulisya ang suspek na boy/helper ng mag-asawa na si Joel Hanabahab ng San Andres, Quezon na tumakas tangay ang hindi pa mabatid na halaga ng pera at alahas na ninakaw sa mga biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon nina PO3 Alvin Evangelista, at PO2 Ran dy Buenaventura, officers on case, dakong alas-7:30 ng gabi ay nagtungo si Nestor Ong sa bahay ng kapatid na si Roberto upang bisitahin ang mga biktima at dito na nadiskubre ang krimen. Natagpuan si Roberto na nakalugmok ang katawan na may marka ng nylon cord sa leeg sa gilid ng kama at nakatumba ang kanyang wheelchair. Samantalang ang misis naman nitong si Nenita ay natagpuan sa loob ng comfort room na may takip ng damit ang mukha at may palatandaan ding pinatay sa sakal.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad sa ilalim ng kama ng mga biktima ang isang duguang tuwalya at ilang pirasong damit ng suspek.