SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Malaking karangalan para sa 3,000 tauhan ng Subic Bay Metropolitan Authority na makatanggap ang dalawang kawani nito ng Pag-asa Awards mula sa Civil Service Commission dahil sa natatanging kontribusyon sa larangan ng serbisyo publiko. Sina SBMA Fire and Rescue Team leader Capt. Ranny Magno at ang printing machine operator na si Randy Canlas ay pinarangalan sa ginanap na CSC recognition rites bilang mga regional finalists sa King’s Royal Hotel and Leisure Park sa Bacolor, Pampanga. Si Magno ay tumutulong sa mga emergency situations sa Subic at iba pang bahagi ng Luzon kung saan nailigtas ang ilang minero sa minahan sa bayan ng Itogon, Benguet noong Setyembre 2008. Samantala, si Canlas, nakagawa ng programang information technology kung saan nakatipid ang SBMA ng P6.4-milyon sa loob ng 6-taon. Kapag ganap na naimplementa ang nabanggit na programa sa 52 departamento ng SBMA, makakatipid ang ahensya ng P25 milyon kada taon.
“Ipinapakita lamang ng mga kawani ng SBMA ang pagpapahalaga sa core values na Malasakit, Excellence and Passion at bilang tunay na ehemplo sa matapat na public servant,” pahayag ni SBMA Administrator Armand Arreza.