ILOILO CITY, Philippines — Kamatayan ang sumalubong sa dalawang batang mag-aaral habang tatlong iba pa ang nawawala matapos malunod sa ilog dahil sa pagkawasak ng tulay na kawayan sa Barangay Santiago sa bayan ng Laua-an, Antique kamakalawa ng hapon.
Base sa ulat ng Radio Mindanao Network-Iloilo, kabilang sa mga nasawi ay sina Lilybeth Samillano ng Brgy. Pandacan, at Jubie Espino ng Brgy. Maybunga, Laua-an, Antique.
Patuloy namang pinaghahanap ng search and rescue team ang tatlong iba pang mag-aaral.
Samantala, sampu naman estudyante ang nailigtas ng mga residente.
Lumilitaw na naganap ang insidente, pasado alas-4:35 ng hapon matapos pauwiin ng maaga ang mga mag-aaral sa Santiago Elementary School dahil sa masamang panahon.
Gayon pa man, tumatawid ang mga batang mag-aaral sa footbridge na may 30-metrong haba at gawa sa kawayan nang biglang bumigay at naputol dahil sa malakas na agos.
Malakas na ulan kaya rumagasa ang agos ng tubig-baha kung saan nawasak ang tulay, ayon sa ulat ng Municipal Disaster Coordinating Council.
Sa salaysay ng mga nakasaksing estudyante, tinangay ng malakas na agos ng tubig-baha ang limang kapwa nila mag-aaral. Ayon pa sa ulat, ang tulay na kawayan na sinasabing tanging daan ng mga mag-aaral at guro patungong nabanggit na eskuwelahan at pauwi ay ipinalit sa kongretong tulay na nawasa. - Ronilo Ladrido Pamonag at Joy Cantos