BULACAN, Philippines — Tatlong miyembro ng Patulo Gang ang nadakip ng pulisya matapos maaktuhang nagnanakaw ng krudo sa nakaparadang tanker sa Barangay Dampol 2nd sa bayan ng Pulilan, Bulacan kahapon.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Agapito Santos, alyas Amang Patulo, 50, ng Brgy. Dampol 2nd; Joseph Villagonza, 23, drayber, ng Sampaloc, Manila at si Sesinando Apostol, 33, truck helper, ng Brgy. Pungo, Calumpit, Bulacan. Ayon kay P/Supt. Myrna Reyes, nadakip ang tatlo matapos magreklamo ang may-ari ng oil tanker laban sa mga suspek.
Dito na umaksyon ang pangkat ni P/Senior Insp. Jayson San Pedro kung saan naaktuhan ang mga suspek sa pagnanakaw ng krudo mula sa tanker (RFL975) ng kanilang amo. Narekober ng pulisya ang 38 litro ng krudo na nakalagay sa drum.