MANILA, Philippines - Apat-katao kabilang ang isang sanggol ang kumpirmadong nasawi habang sampung iba pa ang nasugatan makaraang tangayin ng malakas na agos sa pananalasa ng flashflood sa apat na barangay sa Koronadal City, South Cotabato noong Biyernes.
Narekober naman noong Sabado ng umaga ang mga bangkay nina Anita Patricio, 37; Linda Iris, 78; Renie Boy Patricio,10 buwang gulang at si Mekaila Patricio, 5, pawang mga nakatira sa Sitio Upper Acub at Brgy. San Isidro. Ayon kay P/ Chief Supt. Felicisimo Khu Jr., naapektuhan ng tubig baha ang highway sa Brgy. Carpenter Hill; Brgy Sarabia at Aquino Street sa Brgy. Zone 3; pawang nasa Koronadal City. Samantala, sampu namang residente ang naisugod sa South Cotabato Provincial Hospital habang patuloy na pinaghahanap ang isang sanggol na nawawala.
Aabot naman sa 70 pamilya ang naapektuhan ng flashflood ang ngayon ay nasa San Isidro Elementary School bilang evacuation center. Patuloy naman ang isinasagawang clearing, search and relief operations ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Benito Seron.