2 'mangkukulam' tinodas
SAN CARLOS CITY, Pangasinan, Philippines — Napaslang ang mag-asawang matanda makaraang pagba barilin ng sariling pamangking lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Aponit sa San Carlos City, Pangasinan noong Biyernes ng gabi. Napuruhan sa iba’t ibang bahagi ng katawan sina Angelo Pascua 68 at Emilia Pascua, 66, kapwa nagtitinda ng gulay sa palengke.
Samantala, tugis naman ng pulisya ang suspek na si George Arcangel, 29, ng nabanggit din ba rangay.
Nabatid na inakusahan ng suspek ang kanyang tiyahing babae na mangkukulam at sinasabing responsable sa pagkamatay ng kanyang kapatid na lalaki noong nakalipas na buwan dahil sa hindi maipaliwanag na sakit.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na kapapasok pa lamang sa kanilang bahay ang mag-asawa nang dumating ang suspek na lango sa alak.
Matapos makapagmano sa matandang tiyuhin ay pinagbabaril ito ng suspek sa harapan mismo ng kanyang apo na babae kung saan niratrat din ang tiyahin sa itaas ng bahay.
Bago tumakas lulan ng motorsiklo ay pinagbantaan pa ng suspek ang babaeng apo ng mag-asawa na babarilin din kapag lumabas ng bahay.
Naisugod pa sa Virgen Milagros Hospital subalit namatay din si Angelo habang ginagamot.
- Latest
- Trending