Mayor todas sa ambush
MANILA, Philippines - Isang re-electionist na alkalde ang nasawi habang apat pang kasama nito ang nasugatan makaraang paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan ang kanilang sasakyan kahapon ng umaga sa Tugaya, Lanao del Sur.
Ang insidente ay naganap habang papalapit na ang gaganaping special elections sa darating na Nobyembre 6 sa ilang bayan ng Lanao del Sur na idineklarang nagkaroon ng failure of elections noong May 2010 national polls.
Kinilala ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Romeo Luthestica ang nasawing biktima na si Alimatar Guroalim, dating alkalde sa bayan ng Tugaya.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang apat na nasugatang driver at security escorts ng biktima na nakilalang sina Khalid Guroalim Tahir, driver ng behikulo at mga security escorts na sina Jamil Alimpang, Casim Hadji Asgar at Nashirim Sampao.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Luthestica na naganap ang insidente sa national highway ng Brgy. Su god 1, Tugaya dakong alas-6 ng umaga habang ang mga biktima ay lulan ng kulay maroon na Pajero (ALM-444) patungong Marawi City para dumalo sana sa pagdarasal ng mga Muslim kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Fithr.
Sinabi ni Luthestica na pagsapit sa lugar ay niratrat ng mga armadong suspect ang behikulo ng mga biktima na ikinasawi ng target.
Sa kasalukuyan ay rido o clan war at alitan sa pulitika ang pinaniniwalaang motibo ng krimen.
Nabatid na itinuturo namang suspect ng pamilya ng biktima ay ang kalaban sa pulitika ni Guroalim na si Alber Norul Amito Pacalna Balindong na nakaupo sa munisipyo ng Tugaya matapos na iproklamang panalo ang sarili niya sa election sa kabila ng idineklara ng Comelec ang ‘failure of elections’ sa pitong bayan ng Lanao del Sur noong Mayo 10 national elections.
Kaugnay nito, sinabi ni Luthestica na nag-deploy na sila ng isa pang company ng Army’s 65th Infantry Battalion (IB) sa lugar upang pigilan ang posible pang pagsiklab ng karahasan.
Sa tala si Alimatar ang kauna-unahang nasawing biktima sa gaganaping special election sa ilang bayan ng lalawigan. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.
- Latest
- Trending