Battalion supply officer kinatay
MANILA, Philippines – Palaisipan ang pamamaslang sa supply officer ng Philippine Army matapos itong pagbabarilin, gilitan ay itapon pa ang bangkay sa kanal malapit sa tanggapan ng Department of Education Division Office sa Purok 1, Barangay Bulanao sa Tabuk City, Kalinga kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang napaslang na si 1st Lt. Gerald Beloso, Battalion Responsible Supply Officer ng Army’s 21st Infantry Battalion sa bayan ng Pinukpuk, Kalinga. Lumilitaw sa pagsusuri ng Kalinga Provincial Crime Laboratory Office, ang biktima ay tinamaan ng bala sa likuran na naglagos sa dibdib nito at may dalawang sugat sa baba.
Sa phone interview, sinabi naman ni Capt. Adonis Banez, spokesman ng Army’s 501st Infantry Brigade, nakikipagtulungan na sila sa mga imbestigador ng pulisya.
Samantala, wala namang nawawala sa mga supply na hawak ng biktima sa 21st Infantry Battalion. Kaugnay nito, ilang personalidad ang inimbitahan ng pulisya upang mabigyang linaw ang kaso kabilang ang posibleng anggulo ng foul play.
- Latest
- Trending