QUEZON, Philippines — Isa na namang security guard ang napatay matapos pagbabarilin ng miyembro ng Agaw-Armas Gang sa bisinidad ng beach resort sa Brgy. Lalig sa bayan ng Tiaong, Quezon kamakalawa ng gabi. Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo at ibat-ibang bahagi ng katawan si Romeo Gonzales, 49, kawani ng Vigilantes Security Agency at residente ng Brgy. San Pedro. Sa imbestigasyon ni P02 Roderick Lagrazon, lumilitaw na nagpapatrolya sa bisinidad ng Hacienda Escudero ang dalawang sekyu na sina Nelson Amat at Christian Albers nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril. Nang usisain ng dalawa ang pinagmulan ng putok ay duguang nakabulagta ang biktima sa guard house kung saan nawawala ang service firearms nito.