BULACAN, Philippines — Pinaniniwalaang matinding depresyon ang isa sa dahilan kaya nagpakamatay ang isang konsehal at itinuturing na imbentor ng kauna-unahang electric tricycle sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Lias sa bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa ng umaga.
Idineklarang patay sa Nazarenus Hospital sa Barangay Ibayo si Councilor Allan Aguilar, 45, ng Meralco Village sa nabanggit na barangay.
Si Aguilar ay nagtamo ng tama ng bala ng 9mm baril sa ilalim ng bibig.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni P/Supt. Ceasar Tannagan, nakarinig ng malakas na putok ang kasambahay na si Aurea Catacutan mula sa roof top ng bahay.
Nang matagpuan ang duguang katawan ng biktima ay kaagad na ipinagbigay-alam sa asawang si Dra. Juvy Aguilar 46, veterinarian.
Narekober ang isang 9mm baril na pag-aari ng biktima kung saan sumailalim pa sa paraffin test ang kamay nito kaugnay sa tunay na dahilan kung mayroon itong foul play.
Subalit nanatiling tikom ang bibig ng mga kaanak kaugnay sa pagpapakamatay ng biktima.
Noong 2008 ay iprinisinta ni Aguilar ang kanyang imbentong traysikel na pinatatakbo ng baterya sa halip na gasolina kung saan umani ng paghanga mula sa iba’t ibang sektor at sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ang kumpirmasyon sa DOTC at NEDA.