BATANGAS CITY, Philippines — Nahatulan ng guilty beyond reasonable doubt si Batangas Vice Governor Mark Leviste ng Municipal Trial Court Branch matapos akusahang nag-mastermind ng pagtatanim ng pekeng bomba sa loob ng kapitolyo noong Hunyo 8, 2006.
Sa 12-pahinang desisyon ni Judge Eleuterio Bathan ng Fourth Judicial Region ng Municipal Trial Court Branch 2, pinatawan si Leviste na mabilanggo ng tig-isang taon at multang P1,000 sa mga kasong paglabag sa Article 143 at 153 ng Revised Penal Code (paghahasik ng kaguluhan sa pampublikong lugar).
Base sa rekord ng korte, nagkagulo ang Batangas Provincial Capitol at Sangguniang Panlalawigan matapos magkaroon ng bomb threat kung saan narekober ang pekeng bomba sa basurahan.
Idinawit naman si Vice Governor Leviste ng kanyang personal driver na si Edward Ronquillo na sinasabing nag-utos sa kanya na maglagay ng pekeng bomba para guluhin ang nagaganap na sesyon sa Sangguniang Panlalawigan.
Kakasuhan sana si Ronquillo pero tumayo itong state witness at idiniin si Leviste bilang utak sa nasabing panggugulo.
Mariin namang itinanggi ni Leviste ang akusasyon at nakatakdang magsampa ng apela sa loob ng 15-araw sa Regional Trial Court habang makakalaya ito matapos magpiyansa.