BULACAN, Philippines — Isang 38-anyos na babae ang iniulat na nasawi sa loob ng pampasaherong bus matapos batuhin ng tatlong lalaki na nairita sa pagbusina ng drayber sa bisinidad ng Barangay Turo sa bayan ng Bocaue, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Hindi na nagising sa pagkakatulog si Elena Sosa ng Area 1, San Martin De Forres, Sapang Palay sa San Jose Del Monte City, Bulacan matapos tamaan sa batok ng malaking tipak ng bato.
Naaresto naman ang tatlong suspek na sina Jeffrey Dela Rosa, 20; Jeric De Los Santos, 22; at si Rowin Tacorda, 22, pawang nakatira sa nabanggit na barangay.
Sa imbestigasyon ni PO3 Ferdinand Cabuhat, lumilitaw na nagalit ang tatlong suspek matapos businahan ng drayber ng Mersan Bus Transport (PWF143) na si Benjon Nofis.
Napag-alamang nakatayo ang mga suspek na nag-uusap sa gitna ng kalsada kung saan naabala ang pag-abante ng nabanggit na bus.
Dito binusinahan ng drayber ang tatlo kaya nagalit at binato ang pampasaherong bus kung saan tinamaan naman ang nakaupong si Sosa.