MANILA, Philippines - Isang obrero ang nasawi habang apat pa ang nasugatan makaraang aksidenteng gumuho ang elevator shaft sa isang bahagi ng itinatayong gusali ng Ayala Land Corporation sa Bajada District, Davao City nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Crispin Basilio Desalisa na natabunan ng gumuhong gusali at mahigit isang oras bago naiahon ang bangkay sa lugar.
Agad namang isinugod sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) para malapatan ng lunas ang apat pang mga nasugatan. Kinilala ang tatlo sa mga sugatan na sina Marciano Polbo, Jimmy delos Santos at Joy Rey Suson.
Sa ulat ng pulisya, naganap ng insidente sa itinatayong gusali ng Ayala Land Corporation sa nasabing lugar bandang alas-7 ng umaga. Sa pahayag ng isa sa mga biktima kasalukuyan silang nagbubuhos ng semento sa ika-apat na palapag ng biglang gumuho ang bahagi ng elevator shaft ng gusali.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.