BOCAUE,Bulacan, Philippines — Niyanig ng sunud-sunod na malalakas na pagsabog ang isang pabrika ng paputok matapos itong masunog na nagresulta sa malubhang pagkasugat ng isang manggagawa sa Brgy. Igulot sa bayang ito kahapon.
Kinilala ang biktima na si Lito Babingao, 28-anyos, binata at residente ng Barangay Abangan Norte sa bayan ng Marilao na nagtamo ng 2nd degree burn sa kanyang katawan.
Base sa imbestigasyon ni SPO2 Jose Fabines dakong ala-1:15 ng hapon habang naghahalo ang biktima ng mga kemikal na isinasangkap sa paggawa ng mga paputok ng bigla itong sumiklab.
Kasunod nito ay mabilis na kumalat ang apoy at nasunog ang iba pang mga ginagawang paputok at mga kemikal na nagbunsod sa sunud-sunod na pagsabog sa lugar.
Sa nasabing insidente ay natupok ng apoy ang buong pabrika habang minalas namang masugatan si Babingao kung saan umabot pa ng isang oras ang sunog sa pabrika bago ito tuluyang naapula ng mga bumbero.
Napag-alamang wa lang kaukulang permiso mula sa pamahalaang bayan ang pabrika na pag-aari ni Evaristo Paeste ng Brgy. Lolomboy sa bayang ito na sinampahan na ng kaukulang kasong kriminal.