Detachment commander todas sa barilan
MANILA, Philippines - Patay ang isang detachment commander ng Philippine Army habang grabe namang nasugatan ang nakalaban nito matapos sumiklab ang barilan sa loob ng isang videoke bar sa Brgy. Poblacion, Sto. Tomas, Davao del Norte kamakalawa.
Idineklarang dead-on-arrival sa Davao Regional Hospital sa Tagum City ang biktimang si Technical Sergeant Warlito Jupeda, nasa hustong gulang, Detachment Commander ng Barangay Tulalian sa ilalim ng Ar my’s 72nd Infantry Battalion (IB).
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang nakabarilan nitong sibilyan na si Samuel Costales.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 10, bandang ala-1 ng madaling-araw ng mangyari ang insidente sa loob ng Dayuhan Videoke Bar na matatagpuan sa Brgy. Poblacion ng naturang munisipalidad.
Ayon sa imbestigasyon, nagtungo sa videoke bar ang nasabing biktima kasama ang isa pang sundalo na si Cpl. Rommel Pabilonia para mag-inuman at ilang saglit pa ay pinagbabato ang mga ito ng grupo ni Costales.
Kinompronta ng biktima sina Costales na agad namang binunot ang dala nitong cal. 45 pistol at pinagbabaril ang biktima na bagaman sugatan ay nagawa ring makaganti ng putok.
Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol at isang kutsilyo.
- Latest
- Trending