RIZAL, Philippines — Tatlo-katao ang iniulat na nasawi makaraang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa isang kotse sa bahagi ng ML Quezon Ext. sa Barangay San Roque sa Antipolo City, Rizal noong Lunes ng gabi.
Sa naantalang ulat na nakarating sa Rizal PNP, nakilala ang mga nasawi na sina Mark Anthony Ragon, 15, ng 77 A. Bonifacio Street, Brgy. Dela Paz; Lovelyn Remoyan, 16; at si Jackeren La Torre, 16, kapwa nakatira sa Alarcon Street, Brgy. Dela Paz.
Ayon sa ulat, nabangga ng kotse (XNH-869) ni Emerald Concepcion, 21, ang motorsiklo ng tatlo dakong alas-11:30 ng gabi.
Naunang natagpuan ng pulisya ang mga bangkay nina Remoyan at La Torre.
Dahil naman sa kapalpakan ng pulisya ay natagpuan ang ikatlong biktima na si Ragon noong Miyerkules ng hapon sa masukal na gilid ng ML Quezon Extension na naaagnas na.
Ikinatwiran naman ng pulis-Antipolo na madilim sa naturang lugar kaya hindi nila napansin ang bangkay ni Ragon.