MANILA, Philippines - Ilang pirasong prutas na marang na ninakaw ang naging kapalit ng buhay ng isang tinedyer makaraang pagtatagain ng katiwala ng plantasyon sa Bunawan District, Davao City kamakalawa ng hapon. Halos magkagutay-gutay ang katawan ni Alfeo del Castillo habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Moises Baste. Sa police report na nakarating kahapon sa Camp Crame, lumilitaw na naaktuhan ni Baste ang biktima na nagnanakaw ng marang sa binabantayang plantasyon sa Kabayan relocation. Dahil dito, nagwala si Baste at pinagtataga ang tinedyer. Nabatid na ilang ulit na pinagsabihan ni Baste ang tinedyer na huwag magnakaw sa plantasyon subali’t matigas ang ulo nito.