Pulis-Negros nasa heightened alert
MANILA, Philippines - Isinailalim na kahapon sa heightened alert status ang 31 himpilan ng pulisya sa Negros Occidental kaugnay sa posible pang paglulunsad ng pag-atake ng mga rebeldeng New Peo ple’s Army (NPA).
Ang direktiba ay ipinalabas ni Negros Occidental Provincial Police Office Director P/Senior Supt. Manuel Felix kasunod ng pagdukot at pagpatay ng may 20 rebeldeng NPA sa detachment commander ng Philippine Army sa harapan ng anak nitong dalagita sa bayan ng Toboso noong Sabado.
Napag-alamang nagpanggap na mga pulis ang mga rebeldeng NPA matapos magsuot ng uniporme sa pag-atake sa detachment ng Philippine Army sa Brgy. Bug-ang sa nasabing bayan.
Kinilala ni Army’s 303rd Infantry Brigade Commander Col. Jonas Sumagaysay ang biktima na si Staff Sergeant Efraim Bagonoc na ginamit pa ng NPA na human shield sa kanilang pagtakas saka pinatay sa harapan ng 14-anyos na anak nitong si Efrailyn na nasa state of shock sa insidente.
Ayon kay P/Chief Inspector Jefferson Descallar, hepe ng Negros Police Operations and Plans Branch, pinaalalahanan ni Felix ang mga station commander na masusing bantayan ang mga nasasakupang himpilan dahil maaring maulit ang pag-atake ng NPA rebs.
Samantala, ipinag-utos din ni Felix ang pagpapalakas ng checkpoint operatios sa mga istratehikong lugar sa nabanggit na lalawigan upang mapigilan ang pag-atake ng mga rebelde.
- Latest
- Trending