CAVITE, Philippines — Ningas-kugon ang operasyon ng mga tauhan ng Land Tansportation Office (LTO) laban sa mga pampasaherong kolurum na van na may rutang iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Cavite patungong Lawton sa Maynila.
Kabilang sa mga illegal terminal ng kolorum van ay matatagpuan sa Bahayang Pag-asa sa bayan ng Imus, sa harapan ng SM Molino at Bacoor, tagiliran ng Flying V gasoline station sa Barangay Molino 3, sa loob ng gate at harapan ng Springville Camella malapit sa Daanghari sa Barangay Molino 4 sa bayan ng Bacoor.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source, nagtataglay ng 2-way radio frequency ang mga drayber ng van para alertuhan ang kapwa drayber kapag may operasyon ang mga tauhan ng LTO laban sa mga pampasaherong kolorum na van.
Napag-alaman din sa source na protektado ng mga tiwaling pulis-Maynila at pulis-Cavite ang operasyon ng pampasaherong kolorum van kung saan malaking halaga ang ibinibigay ng grupo kada Linggo.
Sinasabing may mga nakadikit na Manila Police District (MPD) sticker sa windshield ng kolorum na van na ginagawang panangga sa mga tauhan ng LTO na nagsasagawa ng operasyon sa ka habaan ng Roxas Blvd. mula sa Cavite.