CAMP SIMEON OLA , Legazpi City , Philippines - — Dahil sa ayaw magbayad ng kanyang ininom na alak, isang sundalo ang nasawi matapos na pagbabarilin ng dalawang miyembro ng Cafgu kahapon ng madaling-araw sa Barangay Calagbangan, Sipocot, Camarines Sur. Nakilala ang biktima na si PFC Gilbert Enopre 24, binata, miyembro ng Phil. Army na nakatalaga sa 49th IB 903rd Infantry Brigade na nakabase sa Sorsogon City at residente ng naturang lugar. Samantala ang dalawang suspek ay kinilalang sina Ariel Belmonte 22, binata at Arce Hara 23, kapwa miyembro ng 22nd CAA coy na nakabase sa Brgy. Salvacion ng naturang bayan. Batay sa ulat ng pulisya ang insidente ay naganap dakong alas-2:00 ng madaling-araw habang ang biktima na lango sa alak ay ayaw magbayad ng kanyang ininom na alak sa pag-aari ng inuman ng suspek. Nauna rito nagkaroon muna ng mainitang pagtatalo ang mga ito hanggang sa magalit ang dalawang suspek at pagbabarilin at saksakin ang biktimang sundalo. Kaagad namang tumakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.