3 sundalo sugatan sa engkuwentro

MANILA, Philippines - Tatlong sundalo ang nasugatan habang sari-sari namang armas ang nakumpiska sa bakbakan ng tropa ng mga sundalo at ng tinatayang may 50 mga armadong rebeldeng New Peo­ple’s Army (NPA) sa bayan ng Boston, Davao Oriental nitong Biyernes. Ayon kay Lt. Col. Gilbert Saret, Commander ng Army’s 25th Infantry Battalion, bandang alas -3:30 ng madaling- araw ng maka-engkuwentro ng kaniyang mga tauhan ang grupo ng Guerilla Front 20 sa Brgy. Simulao ng bayang ito. Kasalukuyang nagsasagawa ng combat operation ang mga sundalo ng matisod ang pansamantalang itinayong outpost ng NPA red fighters. Ang palitan ng putok ay tumagal ng may 15 minuto hanggang sa magsiatras ang mga rebelde patungo sa direksyon ng kagubatan bitbit ang mga sugatan nilang kasamahan. Nasugatan naman ang tatlong sundalo na mabilis na isinugod sa pagamutan para malapatan ng lunas. Na­re­kober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ang isang garand rifle, isang 9 MM pistol, apat na improvised explosive Device (IED), isang ICOM handheld radio at mga su­bersibong dokumento. Joy Cantos

Show comments