MANILA, Philippines - Dalawa ang nasuga tan kabilang ang isang minalas na civilian guide makaraang makasagupa ng tropa ng pamahalaan ang may 30 armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Sta. Josefa, Agusan del Sur kamakalawa.
Kinilala ang mga nasugatang biktima na sina Pfc Herbert Balodon at ang civilian guide na si Jesusimo Tapla; pawang isinugod sa DO Plaza Hospital sa Brgy. Patin-ay, Prosperidad, Agusan del Sur.
Batay sa report na nakarating kahapon sa Philippine Army, bandang alas-6:45 ng umaga habang nagsasagawa ng combat patrol ang tropa ng Army’s 26th Infantry Battalion (IB) ng makasagupa ang may 30 rebelde sa nasabing lugar.
Ang bakbakan ay tumagal ng 25 minuto na ikinasugat nina Balodon at ng civilian guide na si Tapla.
Ang mga rebelde ay mabilis na nagsitakas bitbit ang mga sugatan sa kanilang panig na patuloy na tinutugis ng tropang gobyerno.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang piraso ng Improvised Explosive Device (IED) na tumitimbang ng isang kilo bawat isa at iba pa.