MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa mag-asawa at pamangking lalaki habang 23 iba pa ang sugatan makaraang magbanggaan ang pick-up truck at pampasaherong bus sa highway ng Barangay Vitali sa Zamboanga City, kamakalawa ng gabi. Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-asawang sina SPO1 Henry Capitaña, Perlita Capitaña at ang pamangking si Jerry Micheal Capitaña. Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lulan ng pick up truck ang tatlo mula sa bayan ng Kabasalan, Zamboanga Sibugay nang sumabog ang isa sa mga gulong nito. Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver at nagpagiwang-giwang sa kabilang linya hanggang sa bumangga sa kasalubong na pampasaherong bus.