Hanjin kinastigo ni Ebdane
ZAMBALES, Philippines — Binalaan ni Zambales Governor Hermogenes E. Ebdane Jr. ang mga opisyal ng Hanjin shipbuilding facility matapos hadlangan ng mga Koreano ang ilang provincial official na makapasok sa shipyard kaugnay sa ocular visitation sa bayan ng Castillejos, Zambales.
Napag-alamang pinigil ng mga security personnel ng kumpanya ang mga sasakyan ng staff at government officials na kasama ni Ebdane sa main gate ng Hanjin complex.
Sa puntong ito ay pinaalalahanan ng gobernador ang mga opisyales ng Hanjin na pinangungunahan ng general manager for external trade na si Taek Kyun Yoo sa kanilang kalagayan sa bansa bilang dayuhan.
Kabilang sa mga opisyal na hinadlangan ng Hanjin security ay ang mga hepe ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR), Dept. of Agrarian Reform (DAR), at ilang opisyal ng pulisya.
Nauna ng pinaunlakan ni Ebdane ang imbitasyon ng mga Koreano para sa dayalogo kaugnay sa mga proposal at isyu na kinakaharap ng shipbuilding facility sa Redondo Peninsula.
Lumilitaw din na humingi rin ng tulong ang Hanjin Heavy Industries Corporation-Philippines sa provincial government upang ma-proseso ang aplikasyon ng shipbuilding firm para sa land use conversion sa DAR at Department of Agriculture noong 2009.
Kailangan ng HHIC-Phil ang conversion permit upang maisagawa ang 1,300-unit housing project para sa mga kawani ng Hanjin sa Barangay Magsaysay.
Kabilang sa natalakay sa dayalogo ang pagpapagawa ng mga nasisirang kalsada patungong shipyard, ang dumadaming karinderya sa harapan ng Korean shipbuilding complex na sagabal sa daloy ng trapiko, gayundin ang shuttle service ng mga kawani.
- Latest
- Trending