BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang isang mayor sa Isabela matapos kasuhan sa Ombudsman kaugnay sa pagtatalaga ng kanyang mister bilang opisyal ng water district may limang taon ang nakalipas.
Kinumpirma ng Ombudsman ang kasong nepotismo laban kay Santiago City, Isabela Mayor Amelita Navarro matapos italaga ang kanyang mister na si Dr. Jose Navarro sa Santiago City Water District (Sanwad). Bilang kinatawan ng medical sector.
Sa 13-pahinang resolution na ipinalabas ng Ombudsman noong July 12, 2010, may mga ebidensiyang nagpapakita na si Navarro ay sangkot sa nabanggit na kaso.
Nauna na ng naghain ng reklamo si Lydia Makiling, barangay councilwoman ng Barangay Dubinan East, Santiago City laban kay Mayor Navarro noong 2005 sa paniniwalang labag sa batas ang pagkatalaga ng alkalde kay Dr. Navarro.
Sinubukan naman ng PSN na kunan ng pahayag ang kampo ni Navarro subalit hindi ito nagbibigay ng kasagutan sa mga tawag at text ng mga mamamahayag.
Samantala, itinakda ng Sandiganbayan ang arraignment laban kay Navarro sa kasong nepotism sa tanggapan ng Ombudsman sa September 23.