MANILA, Philippines - Dahil sa pagtangging mag-practice sa pamosong dancing inmate, isang preso ang pinagtulungang bugbugin ng kaniyang mga kakosa sa Cebu Provincial Jail, ayon sa ulat kahapon.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center kaugnay sa pagkamatay ni Angelito Cabalguinto na nagtamo ng malalim na sugat sa ulo noong Miyerkules.
Ikinatwiran naman ng mga kasamahan nitong preso na nawalan ng balanse si Cabalquinto habang nagsasampay ito ng damit kaya nabagok ang ulo nang bumagsak pero ayon naman sa ibang preso na nakakulong sa ibang selda ay pinagtulungan itong gulpihin.
Sinasabing tumangging magpraktis ang biktima para sa dancing inmate kung saan napabantog ang CPDRC kaya pinagtulungan itong kuyugin ng mga nairitang kakosa.
Nabatid na kabilang sa mga pinasikat ng mga dancing inmate na mapapanood sa YouTube website at naipalabas na rin sa telebisyon ay ang mega hit Thriller ni Michael Jackson.