LEGAZPI CITY, Philippines — Ilang araw pa lang naganap ang pinakamalalang highway disaster na kinasangkutan ng pampasaherong bus sa bayan ng Sablan, Ben guet na ikinasawi ng 42-katao, isa na namang pampasaherong bus ang sumalpok sa kotse sa Maharlika Highway sa bayan ng Bula, Camarines Sur kung saan tatlo-katao kabilang ang isang beauty queen ang namatay kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi ay ang Bb. Pilipinas-International 2009 na si Melody Adelaide Manuel Gersbach, 24, dalaga, ng Barangay Kuliat, Daraga, Albay; talent manager na si Alden Orense, drayber na si Ramon Santos habang nakikipaglaban naman kay kamatayan sa Bicol Medical Center ang isa pang kasama ni Gersbach na si Ronald Lita.
Si Gersbach na nagtapos ng kursong Management sa University of Asia and The Pacific ay isinilang sa bansang Alemanya subalit lumaki sa bayan ng Daraga, Albay sa piling ng kanyang ina kung saan namahala sa kanilang negosyong restaurant sa Legazpi City.
Bukod sa pagiging Bb. Pilipinas-International 2009, si Gersbach ay tinanghal ding Miss Magayon noong Abril 2008 at Miss Bicolandia sa Pe ñafrancia Festival noong Setyembre 2008.
Sa inisyal na impormasyon mula sa Camp Simeon Ola sa Legazpi City, lulan ng Innova na may plakang NPQ 365 ang mga biktima patungo sana sa Naga City nang salpukin ng Guevarra Bus Lines (EVL121) na minamaneho ni Wilson Pontillas sa Sitio Banasi, Barangay Pawili sa nabanggit na highway.
Ayon kay PO2 Jeoffrey Pudanes ng Bula PNP station, ang Guevarra Bus Lines ay pag-aari ni Cecilia Guevarra ng Iriga City.
Nabatid na ang grupo ni Gersbach ay patungo sana sa Naga City para mag-judge sa idaraos na beauty pageant (Miss Bicolandia) nang makasalubong si kamatayan.
Nabatid na masayang nagpaalam si Gersbach sa kanyang lolang si Adelita Manuel, 74, at binati pa ang kanyang tiyuhing nagdaos ng kaarawan kahapon bago magtungo sa nabanggit na lungsod.