Bading nilason ng lover
BULACAN, Philippines — Pinaniniwalaang nilason ang bading na nurse ng kanyang lover matapos matagpuan patay sa loob ng sasakyan na sinasabing tangkang itakas mula sa loob ng hotel sa Barangay Saluysoy sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Noli Pacheco ang nasawi na si Leonard Kirby De Leon, 24, ng Brgy. Lawang Bato naaresto naman ang suspek na si Rie Nikko Martinez, 25, Brgy. Karuhatan, kapwa sa Valenzuela City.
Lumilitaw na lulan ng Mitsubishi pickup (WRN 297) ang dalawa nang nag-check-in sa MacArthur Suite kung saan tumuloy sa room 11.
Ilang oras ang nakalipas ay naunang lumabas si Martinez subalit pinigil ng sekyu dahil iinspeksyunin muna ng roomboy ang kuwarto na kanyang ginamit.
Dito na natagpuan ng roomboy ang duguang kumot at tuwalya kaya ipinagbigay-alam sa sekyu kung saan nadiskubre naman ang naghihingalong si De Leon sa loob ng sasakyan.
Lumitaw sa resulta ng pagsusuri sa Nazarenus Hospital, nakainom ng isang uri ng lason ang biktima.
- Latest
- Trending