6 holdaper todas sa shootout
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Anim-katao na sinasabing miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang ang napaslang makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bahagi ng Barangay San Francisco sa bayan ng Biñan, Laguna noong Miyerkules ng gabi.
Tatlo sa anim na napatay ay sina Joey Llagas, 25; Severino Abotok at si Jaime Segundo Jr. habang inaalam pa ang pagkakakilanlan sa tatlo.
Samantala, sugatan naman si PO1 Webster Ortiz Cruz matapos magtamo ng bala ng baril sa kanang binti at kaliwang balikat at ngayon ay nagpapagaling sa University of Perpetual Help Medical System Hospital.
Nabatid na ang anim na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan sa Laguna ay kalimitang gumagamit ng traysikel para maisagawa ang kanilang modus operandi sa madidilim na bahagi.
Ayon kay P/Senior Supt Gilbert Cruz, Laguna police director, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa kahina-hinalang grupo ng kalalakihan na sakay ng dalawang traysikel at gumagala sa bisinidad ng Barangay San Antonio.
Kaagad namang naglatag ng checkpoint ang pulisya kung saan namataan naman ang dalawang grupo na lulan ng traysikel sa kahabaan ng highway ng Barangay San Francisco bandang alas-8:30 ng gabi.
Gayon pa man, nang pahintuin ng pulisya sa checkpoint ay biglang sumibad palayo kaya nagkahabulan ng ilang minuto hanggang makorner sa bisinidad ng Irene Ville Subdivision.
Subalit, imbes na sumuko ay agad na pinaputukan ng grupo ang sasakyan ng pulisya kung saan nauwi sa shootout.
Nakarekober ang apat na baril, shot gun, granada, at iba’t ibang uri ng bala ng baril.
- Latest
- Trending