BATANGAS, Philippines – Pitong miyembro ng Budol-Budol Gang ang naaresto ng pulisya matapos madale ang isang 69-anyos na lola sa bayan ng San Juan, Batangas kamakalawa.
Pormal na kinasuhan ni P/Supt. Jonathan Tangonan, San Juan police chief ang mga suspek na sina Jerry De Guzman, Benjie Guillen, Ramil Bartolome, Arlene Reyes, Cora Felizardo, Jenny San Juan at si Ana Acosta.
Ayon sa police report, dinukot ng grupo si Yolanda De Chavez ng Barangay Coloconto mula sa pa lengke at isinakay sa van.
Papunta na sana ang grupo sa bahay ng biktima para kunin ang mga alahas nang masabat sa checkpoint sa Barangay Puting Buhangin.
Napag-alamang niyaya ng isa sa mga suspek na babae ang matanda at pinangakuang bibigyan ng bungkos na pera bilang tulong, pero kinakailangang magprenda ng kanyang mga alahas.
Wala nagawa si Yolanda kundi sumunod dahil para syang na-hypnotize ng grupo.