7 dedo sa poso negro
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa pitong sibilyan matapos makuryente sa hinuhukay na poso negro sa Sitio Kimontod, Barangay Guinlajon sa Sorsogon City, Sorsogon kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Benito Jintalan, 65, may-ari ng bahay na nagpapagawa ng poso-negro; Arnel Janaban, Gilbert Janaban, Leofoldo Jordan, 68; Neptali Jordan19; Jose Macapagal, 64; at si Ronald Macapagal, 22, samantalang nakaligtas naman si Eric Janaban.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Eriberto Olitoquit, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi habang naghuhukay ang mga biktima sa gagawing poso-negro na pag-aari ni Benito.
Dahil sa kumagat na ang dilim ay napilitang kumuha ng linya ng kuryente si Benito para ilawan ang mga naghuhukay.
Sa hindi inaasahan ay nadulas at nahulog sa hinuhukay na may tubig si Benito kung saan nakapalupot pa sa katawan nito ang linya ng kuryente.
Dito na tinangkang tulungan ng anim na naghuhukay ang kanilang amo subalit maging sila ay magkakasunod na nakuryente.
Masuwerte naman nakaatras kaagad si Eric at nakahingi ng tulong sa mga kabarangay kung saan pinutol naman ang pinagmumulan ng kuryente. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending