CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang araruhin ng isang humahagibis na owner type jeepney ang isang convenience store habang tinatakasan ang pagkakabangga sa isa pang behikulo sa kahabaan ng Aguinaldo Highway, Brgy. Niog, Bacoor, Cavite nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ang isa sa mga biktima na si Nelson Gutierrez, driver ng owner-type jeepney na may plakang DSF-736 at isang nakilala lamang Gerry.
Isinugod naman sa St. Dominic Hospital ang sugatang si Jun-Jun Cordial upang malapatan ng lunas.
Sinabi ni Bacoor Police Chief Sr. Supt. Redrico Maranan, bandang alas-6:05 ng umaga ng araruhin ng naturang jeepney ang konkretong pader sa tabi ng Treats Convenience Store sa tabi ng isang Petron Gas station sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigas yon, pinaharurot ng driver ng owner type jeepney ang nasabing behikulo upang takasan ang pagkakasagi sa isang behikulo sa parking lot sa Brgy. Niog pero sa kamalasan ay sinapit ang panibagong trahedya.
Sinabi ng mga imbestigador na nawalan umano ng kontrol sa manibela ang nasabing driver.
Nabatid sa mga imbestigador na nakainom ang mga biktima ng mangyari ang insidente. Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.