2 tinedyer lunod sa beach
BATANGAS, Philippines — Patay ang magpinsang tinedyer na lalaki matapos malunod habang lumalangoy sa beach resort sa Barangay Laiya Aplaya sa bayan ng San Juan, Batangas kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Supt. Jonathan Tangonan, hepe ng San Juan PNP ang dalawa na sina Albert Espiritu, 13; at Lyndon Espiritu, 15, kapwa nakatira sa Sampaloc, Manila. Ayon sa report, nagkakasayahan ang magpipinsan sa paglangoy sa beach ng Triple G Resort nang tangayin ng malakas na alon sa malalim na bahagi ng dagat hanggang sa malunod bandang alas-4:45 ng hapon. Mabilis namang kumilos ang mga kaanak para sagipin ang dalawa pero kapwa namatay nang isugod sa San Juan District Hospital. Nasagip naman ang isa pang biktima na si Leneth Espiritu na kasalukuyang nagpapagaling sa UST Hospital sa Maynila.
- Latest
- Trending