PSN corres binantaan ng DepEd official

CAMARINES NORTE, Philippines — Pinagbantaan ng isang opisyal ng Department of Education (DepEd) na may ma­samang mangyayari la­ban sa correspondent ng pa­haya­gan ito kaugnay sa ipi­nupukol na pagtatanong kaugnay sa kasong child abuse laban sa isang principal sa elementarya sa bayan ng Labo, Camarines Norte kahapon ng umaga. 

Bandang alas-9:30 ng umaga nang magtungo ang manunulat na ito sa tangga­pan ni DepEd Supt. Arnulfo Balane upang mag-follow-up sa kinakaharap na kasong child abuse laban sa isang principal sa bayan ng Labo at ilang kautusan ng DepEd na dapat ipatupad sa pam­publikong eskuwelahan.

Habang nasa kalagitnaan ng interbyu, kinakitaan ng kagaspangan ng pag-uugali at pagka-arogante si Balane at pinagbantaan pa na tatamaan kapag hindi tumigil ang ma­nunulat na ito sa pagtatanong kaugnay sa kasong child abuse.

Lalong namula at nagalit si Balane nang tanungin ng manunulat na ito ang kaso ng kanyang bayaw na ini­reklamo ng pamamaril laban sa isang SK chairman sa Barangay Cobangbang sa bayan ng Daet kung saan naunang pinabu­laanan ng kanyang utol.

Dahil dito, tumayo na lamang ang manunulat na ito subalit hindi pa nakapag­paalam ay pasigaw na nag­bitiw si Balane na - “sige na lumayas ka na dito.”

Agad naman nagtungo sa himpilan ng pulisya ang manunulat na ito upang ipa-police blotter ang pagba­banta at pambabastos ni Arnulfo Balane na tumata­yong school division superintendent ng DepEd sa Camarines Norte.

Show comments