BATAAN, Philippines — Ipinamalas ng isang rebel returnee ang kahusayan nito sa baril matapos mapatay ang magsasaka sa naganap na pakikipagpalitan ng putok sa bahagi ng Barangay Maria Fe sa bayan ng Orani, Bataan kamakalawa ng hapon.
Nagtamo ng tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan si Jessie Rodell, 50, magsasaka, ng Sityo Talahib, Barangay Mulawin samantala, dalawang bala naman sa hita ang tumama kay Alberto “Ka Benjie” Payumo, rebel returnee, ng Brgy. Pantalan Luma.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Arnold Gunnacao, namamasada ng traysikel si Payumo nang nakasalubong si Rodell na nakamatorsiklo sa bahagi ng Maria Fe Subdivision.
Dito na nagkahabulan kung saan pinagbabaril ni Rodell si Payumo na tinamaan naman sa hita.
Nakapagkubli naman si Payumo sa bahay ng pamilya Nebri subalit lingid kay Rodell ay may baril din ang una kaya nagkabarilan ang dalawa.
Bantay-sarado naman ang pulisya kay Payumo sa Bataan General Hospital habang nagpapagaling.