BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Ikinasa na ang total log ban sa Isabela matapos magpalabas ng kautusan si Governor Faustino “Bojie” Dy III.
Sa ipinalabas na executive order no. 04 ng gobernador, ang total log ban lamang ang solusyon upang mapatigil ang pagpupuslit at pagpuputol ng mga punongkahoy sa kabundukan lalo na sa nasasakupan ng Sierra Madre.
Isa rin itong paraan upang maputol na ang mga haka-hakang ipinupukol ng nakaraang administrasyon kay Dy na sinasabing may kinalaman sa logging activities ng nabanggit na lalawigan. Dahil dito, inatasan ni Governor Dy ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na agad ipatupad ang total log ban na magiging ngipin ng mga awtoridad upang wakasan na ang problema sa illegal logging. Pinapabusisi rin ni Dy ang mga malalaking logging company na nagsasagawa ng malawakang pangangahoy gamit ang nakuhang pahintulot mula sa DENR.