MANILA, Philippines - Isa pa sa mga suspek sa malagim na Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57 katao kabilang ang 32 mediamen ang nasakote ng mga awtoridad sa follow-up operation sa bayan ng Guindulungan ng lalawigan kamakalawa.
Kinilala ni Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Regional Director Chief Supt. Bienvenido Latag ang naarestong suspek na si Butukan Malang alyas Datukan Malang Salibo na may reward sa ulo nitong P250,000.
Ayon kay Latag si Salibo na dating miyembro ng binuwag na Civilian Volunteer Organization (CVO) ay inaresto ng pinagsanib na elemento ng ARMM- Criminal Investigation and Detection Unit (ARMM-CIDU), Maguindanao Provincial Police Office at Intelligence Unit ng Eastern Mindanao sa Brgy. Bagan, Guindulungan, Maguindanao bandang ala-1:40 kamakalawa ng madaling-araw sa hide out nito sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng Quezon City-Regional Trial Court branch 221 sa kasong multiple murder kaugnay sa Maguindanao massacre.
Kasalukuyan nang inihahanda ng ARMM Police ang paglilipat ng suspect sa Camp Bagong Diwa District Jail sa Bicutan, Taguig City. Sa tala ng PNP mahigit pa sa 100 suspect ang pinaghahanap.