MANILA, Philippines - Hindi suicide bomber ang lalakeng may dala ng back-pack na naglalaman na sumabog kung saan ay 2 katao ang nasawi kabilang ang may dala ng bomba habang 24 iba pa ang nasugatan kabilang sa Sulu Gov. Abdulsakur Tan kamakalawa ng gabi sa Zamboanga International Airport.
Nagkakaisa sina Zamboanga City Mayor Celso Lobregat at AFP Western Mindanao Command Lt. Gen. Benjamin Delorfino na hindi suicide bomber ang may dala ng bomba na nasawi din ng sumabog ito.
Maging si PNP chief Jesus Versoza ay hindi naniniwala na suicide bomber ang lalakeng may dala ng back-pack na nakilalang si Reynaldo Apelado na isang karpintero at walang anuman record.
Batay sa footages ng CCTV camera ay nakunan si Apelado na may dalang back-pack bag kung saan ay nakalagay ang bomba at ng palapit ito kay Gov. Tan sa arrival area ay biglang sumabog ang bombang dala ni Apelado.
Naniniwala ang mga awtoridad na iba ang may hawak ng detonator at ng may isang metro na lamang ang layo ni Apelado kay Tan ay biglang pinasabog ang bomba.
Malaki ang posibilidad na inutusan lamang si Apelado na dalhin ang bag at walang malay na bomba ang laman nito. Bukod kay Apelado, nasawi din si Hatami Yacub Harun na taga-Lamittan, Basilan habang 24 na iba pang nasugatan kabilang si Gov. Tan.
Iginiit naman ni Tan na siya ang target ng ‘bomber’ at may bahid pulitika ang tangkang pagpatay na ito sa kanya.
Hinigpitan naman ang pagpapatupad ng seguridad ang Aviation Security Group sa lahat ng paliparan sa bansa kasunod ng naganap sa Zamboanga airport.
Nag-alok naman ng tulong si US Ambassador Harry Thomas Jr. sa paglutas sa Zamboanga bombing incident. Nakatakda sanang magtungo si Amb. Thomas sa Zamboanga kahapon subalit kinansela na ito dahil sa insidente.
Itinuturing naman ng Malacanang na ‘isolated case’ lamang ang nangyari sa Zamboanga airport at mahigpit na iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang imbestigasyon dito kasunod ng pagbibigay ng hustisya sa mga biktima. Joy Cantos/Rudy Andal