3 nalunod sa lumubog na bangka
BINANGONAN, Rizal, Philippines — Tatlo katao ang nasawi makaraang malunod nang lumubog ang sinasakyan nitong pampasaherong bangka nang mag-panic ang mga sakay nito sa biglang pagbuhos ng malakas na ulan at malalaking alon, kamakalawa ng hapon sa bayang ito.
Nakilala ang mga nasawi na sina Joemar Radam, 18, ng Cainta, Rizal; Bernard Mondalis, 40; at Junie Baroso, 35, kapwa ng San Carlos City, Pangasinan. Narekober naman ang mga bangkay nito na naibigay na sa kustodiya ng mga kaanak.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4:20 ng hapon sa Laguna de Bay may 700 metro ang layo sa Pritil wharf sa naturang bayan.
Nabatid na may lulang higit sa 40 pasahero ang pampasaherong bangkang may tatak na “Arzon”. Buhat umano sa pakikipamiyesta sa Talim Island ang mga pasahero nang maganap ang trahedya.
Sinasabing nag-panic ang mga pasahero ng bangka nang biglang umulan at hampasin ng malalakas na alon ang bangka dagdag pa ang nadiskubreng butas.
Nag-unahan umano ang mga pasahero sa likurang bahagi ng bangka at nag-agawan sa “life vests” na naging dahilan upang mawalan ng balanse at tumaob ito.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard at iba pang volunteers kung saan nasagip ang nasa 45 pang sakay ng bangka.
- Latest
- Trending