CAMP OLIVAS, Pampanga, Philippines — Tatlong hinihinalang miyembro ng Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) ang napatay ng tropa ng pamahalaan kahapon ng umaga sa Mexico, Pampanga.
Ayon kay Region 3 Police director C/Supt. Arturo G. Cacdac Jr. wala pang nakukuhang pagkakakilanlan ng mga nasawi, dahil wala pang dumarating na mga kamag-anak nito para kilalanin ang mga bangkay.
Ayon pa kay Cacdac, dakong alas-5:15 ng umaga kahapon, habang nagsasagawa ng patrolya ang tropa ng Philippine Army kasama ang Mexico police ng isang tipster ang nagsumbong na ilang armadong tao ang nakitang gumagala sa Purok 3, Barangay Sta. Cruz dito.
Agad na tinungo ng tropa ng pamahalaan ang tinukoy na lugar kung saan ay nakita ang mahigit sa 12 hinihinalang mga miyembro ng RHB na armado ng matataas na kalibre ng baril.
Napag-alaman na ang grupo ay pinamumunuan ni Lenin Canda Salas na may alyas na Ka Red at Ka Lara.
Nagkaroon ng palitan ng putok ang military at RHB na tumagal ng 1 oras hanggang 3 rebelde ang napatay.