BATANGAS, Philippines — Isang 19-anyos na dalaga ang nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala sa naganap na shootout sa pagitan ng mga awtoridad at hindi nakilalang lalaki kamakalawa sa bayan ng Tuy.
Kinilala ni Senior Inspector Jose Coz, hepe ng Tuy PNP, ang nasawing biktima na si Maria May de Guzman, residente ng Barangay Putol, Tuy.
Naospital naman ang ina ni Maria na si Victoria de Guzman, 45, matapos madaplisan ng ligaw na sa naturang shootout.
Ayon sa report, nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya mula kay Barangay Capt. Catalino Delios ng Brgy. Guinhawa na may mga kalalakihang nagda-drag racing sa kanilang lugar bandang alas-9:12 kamakalawa ng gabi.
Agad namang nirespondehan ng Tuy police ang lugar pero bigla sila umanong pinaputukan ng mga suspek na nagresulta ng ilang minutong shootout hanggang sa tamaan ng ligaw na bala ang biktima habang ito at kanyang ina ay nasa loob ng kanilang bahay.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Batangas Provincial Police Office kung may naganap na violation sa Rules of Engagement ng Tuy police sa naturang insidente.