MANILA, Philippines - Napisak ang katawan ng isang bagitong pulis makaraang masagasaan at makaladkad ng truck habang sugatan naman ang kasamahan nito sa naganap na road mishap sa highway ng Barangay Baliwasan, Zamboanga City kamakalawa. Kinilala ang nasawi na si PO1 Misuari Jawali na nakatalaga sa Presinto 10 ng Zamboanga City PNP habang sugatan naman si Sammy Salasain. Ayon sa imbestigasyon, magkaangkas sa motorsiklo (PN-2779) ang dalawa nang mabangga ng kasalubong na truck (UEX-951 ) ni Prince Martin, 30, sa kahabaan ng Radja Munda Road. Tinangka ni Jawali na mag-overtake sa truck pero dahil maputik sa highway ay nawalan ito ng kontrol at nahulog sa motorsiklo kung saan nasagasaan ng truck at nakaladkad ng may limang metro ang katawan nito.