MASINLOC, Zambales, Philippines – Tensyunado ang bayan ng Masinloc matapos maglunsad ng kilos protesta ang mga manggagawa at minero ng Compania Minera Tubajon, Inc. bilang pagkondena sa dating mayor na kaalyado ng gobernador dahil sa sinasabing iligal na paglusob at pag-agaw sa Coto Mines.
Pawang nakasuot ng dilaw na Liberal Party t-shirt, umaabot sa 100-katao ang nag-kilos protesta sa harap ng Baloganon Port laban kina dating Masinloc Mayor Jessu Edora at P/Senior Supt Rafael Santiago, Jr, na nanguna sa paglusob sa nabanggit na minahan.
Ayon kay CMTI security manager Eduardo Garcia, nilusob ng pulisya sa pangunguna ni Santiago ang mining site kung saan inaresto ang mga sibilyan kabilang ang ilang Chinese national na sinasabing may kaukulang working permit.
Naayon sa mining permit and sharing agreement ang operasyon ng Coto Mines na sinasabing balido sa loob ng 25-taon at maaring kanselahin ng pamahalaang nasyunal, ayon kay CMTI project manager na si Romualdo Nuñez.
Nakatakda naman maghain ng kaukulang demanda ang grupo ni Nunez laban sa mga kumobkob ng mining site.
Sinubukang kunin ng mga reporter ang panig ni Zambales Gov. Ebdane, subalit tanging ang media relations officer nito ang sumasagot at pinasa lamang ang mga ito kina Santiago at Edora na hindi naman makontak.