2 granada nakumpiska sa amok

STA. MARIA, Bulacan, Philippines Bagsak kalaboso ang isang nag-aamok na ama ng tahanan dahilan sa pagtangka nitong magpasabog ng dalawang granada sa Brgy. Guyong ng bayang ito kahapon ng hapon. Kinilala ni Supt. Marcos Rivero, ang nasakoteng suspek na si Rolando Mallari, 43, at residente ng Sunrays Village, Brgy. Guyong ng nabanggit na bayan. Base sa imbestigasyon dakong alas 4:30 ng hapon ay masayang nakikipag-inuman ang suspek kasama ang kan­yang anak na si Ryan Mallari at kapitbahay na si Arnulfo Taverna Jr. sa kanilang bakuran at ilang sandali pa ay inutusan ang kanyang anak na bumili ng pulutan para sa kanilang inuman. Ikinat­wiran naman ng anak nito na wala ng gasolina ang ka­nilang motorsiklo at dito na nagwala ang ama na pumasok sa kani­lang bahay at paglabas ay may hawak na itong dalawang granada na tinangka nitong pasabugin. Naaresto naman ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya ang suspek.

 

Show comments