MANILA, Philippines - Matapos ang ilang taong pagtatago sa batas, bumagsak sa mga awtoridad ang isang dating alkalde at anak nito na mga pangunahing suspect sa pagpatay sa misis ng kalaban nitong ni Tineg, Abra Mayor Edwin Crisologo sa kasagsagan ng election period noong 2007, sa operasyon ng pulisya kamakalawa.
Ang mga nasakoteng suspect ay nakilalang sina dating Tineg Mayor Pedro Benwaren, 69 anyos at anak nitong si Tony Benwaren, 40-taong gulang; dating mahigpit na kalaban ni Mayor Crisologo sa mayoralty race.
Sa ulat ng Abra Provincial Police Office (PPO), ang mag-ama ay nasakote sa kanilang pinagtataguan sa Brgy. Sto. Cristo, Capas, Tarlac dakong alas-3 ng madaling-araw noong Biyernes.
Bago ito ay nagsagawa ng surveillance operations ang pinagsanib na elemento ng Task Force Abra, Capas Police Station at Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region sa tulong ng Military Intelligence Groups (MIG) laban sa mga suspect.
Inaresto ang mag-ama sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder ni Brenda Crisologo, misis ni Mayor Crisologo.
Magugunita na si Gng. Crisologo ay pinagbabaril at napatay habang nagbabantay sa bilangan ng boto sa Holy Spirit Academy sa Bangued, Abra noong Mayo 17, 2007. Ang ginang ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.