MANILA, Philippines – Patay ang apat katao habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang aksidenteng tamaan ng kidlat habang nagpapakain ng kanilang mga alagang bibe sa isang bukirin sa Baao, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Baao Police Station, naganap ang insidente sa Brgy. Teresita ng nasabing bayan bandang ala-1 ng hapon.
Kinilala ang mga na sawi na sina Roger Felices, Mario Morilla, Benjie Morilla at isang kinilala lamang sa pangalang Michael.
Ang mga biktima ay pawang nagtamo ng matinding pagkasunog ng katawan na siyang agarang kumitil sa buhay ng mga ito.
Sugatan namang isinugod ang mga biktimang sina Marie Felices, misis ni Roger at Jamila Leslie sa Bicol Medical Center sa Naga City.
Kasalukuyan umanong abala sa pagpapakain ng mga bibe ang mga biktima nang biglang umulan at kasunod nito ay isang malakas na kidlat na sumapol sa katawan ng mga nasawing biktima.