BATANGAS, Philippines — Nagsasagawa ngayon ng inspection ang Batangas Coast Guard sa karagatan ng Nasugbu, Batangas matapos sumadsad ang cargo barge na kargado ng coal noong kasagsagan ng bagyong Basyang. Ayon kay Lt. Commander Troy Cornelio, kumander ng Batangas Coast Guard, 3 divers ang sumisid sa nakalubog na Singaporean vessel barge Trans 306 na grounded ngayon sa may 500 metro ang layo ng Sitio Ibaba, Nasugbu, Batangas. Nangangamba ang mga residente sa posibleng coal spill kung sakaling hindi maialis kaagad ang barge na naglalaman ng 8,000 metric tons ng karbon na nagmula pa sa Valimantan, Indonesia. Nanawagan din si Lt. Cmdr. Cornelio sa local agent ng barge na Bulkhead Shipping Inc. na madaliin ang paghahakot ng kargo ng barge sa ilalim ng dagat para maiwasan ang coal spill.