BULACAN — Habambuhay na pagkabilanggo ang inihatol ng mababang korte laban sa isang lalaki matapos mapatunayang nakapatay sa isang pulis may anim na taon na ang nakalipas sa bayan ng Guiguinto, Bulacan. Sa 19-pahinang desisyon ni Judge Herminia Pasamba ng Regional Trial Court Branch 81, bukod sa habambuhay na hatol sa akusadong si Michael Catacutan, pinagbabayad din siya ng P1.5 milyon bilang civil indemnity, actual damages, moral at exemplary damages. Sa record ng korte, si Catacutan ang responsable sa pagpaslang kay SPO3 Arturo Bernante, 48, sa bahagi ng Violeta Village, Brgy. Sta. Cruz sa nabanggit na bayan noong Oktubre 28, 2004. Binigyang timbang ng korte ang testimonya ng dalawang testigo sa krimen habang binalewala naman ang alibi ni Catacutan kung saan imbes na sumuko ay nagtago pa ng ilang buwan sa bayan ng Marilao, Bulacan kung saan naaresto naman ng pulisya.