ORIENTAL MINDORO, Philippines — Paiimbestigahan ng mga residente ng Calapan City ang pagkawasak ng Abaton Bridge bago pa man matapos ang proyekto sa Mindoro Oriental.
Nanawagan kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang grupong Makabayang-Tagalog (MAKATA) upang ipasuri ang pagkakagawa ng tulay at papanagutin ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang responsable sa mabilis na pagkasira ng tulay.
Ang Abaton Bridge ay nasa ilalim ng pamamahala ng Special Bridges Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon sa grupong MAKATA, sinimulang gawin ang Abaton Bridge noong 2004 ng Special Bridges Office PMO-DPWH na pinamunuan ni Director Ramon Cacatian at dapat sa loob lamang ng 2-taon ay mapakinabangan na ito subalit hindi ito natapos dahil lumubog ito sa Calapan River.
Ang Abaton Bridge ay isa umanong multi-million na utang mula sa Austrian assisted-Wagner Bros modular steel truss project na naisakatuparan sa pamamagitan ng special bridges office bilang PMO at supervising office and proponent kabilang na ang desenyo ng tulay.
Sa nakuhang datus mula sa iba pang rehiyon, may 10 iba pang proyektong tulay na may magkakahalintulad na problema na dapat ay bigyan-pansin ng administrasyong Aquino.
Kasabay nito, nanawagan din ang grupo kay Pangulong Aquino na isailalim sa lifestyle check ang ilang tauhan at opisyal ng DPWH dahil sa ulat na ilan sa mga ito ay nagmamay-ari ng magagarang bahay at sasakyan bukod pa sa madalas na bumibiyahe sa labas ng bansa.